Mga pekeng branded products na gaya ng Vans, Under Armour at Dickies ang nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI)-National Capital Region (NCR) sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa lungsod ng Maynila at Malabon City.
Bitbit ang 18 search warrants ay magkakahiwalay na sinalakay ng NBI-NCR ang 2 stalls sa 168-Shopping Mall at 4 pang tindahan sa 999-Shopping Mall.
Pawang nagbebenta ng mga pekeng damit ang anim na tindahan sa nabanggit na mga Mall.
Aabot sa mahigit ₱10.8-M ang nakuha rito ng mga awtoridad.
Sa hiwalay pang operasyon ay sinalakay din ng mga operatiba ng NBI ang 2 warehouse sa Tondo, Manila at Brgy. Hulong Duhat, Malabon City.
Pagbukas ng mga awtoridad sa dalawang storage facility ay tumambad sa kanila ang ibat-ibang mga damit, pantalon sapatos at iba pang mga pekeng branded products na mahigit ₱14.6-M ang halaga.
Sasampahan ng patong-patong na kaso ang mga may-ari ng nabanggit na mga tindahan at warehouse.
Dahil dito ay nagbabala ang NBI sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng produkto lalo na ngayong nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan.