Positibo sa iligal na droga ang isang sibilyang empleyado ng Philippine National Police Academy (PNPA) habang isa namang empleyado ang nahuli dahil nagsisilbing supplier ng droga ng mga kadeteng una nang nagpositibo sa random drug test.
Isinailalim ng PNPA ang 1,065 nilang mga tauhan sa drug test, kasunod ng random drug test na unang isinagawa sa 260 kadete na myembro ng graduating class.
Kinilala ni PNP Chief PGen. Debold Sinas ang empleyadong nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga na si Zepther G. Samonte, isang contractual employee na myembro ng banda.
Hinuli naman kahapon ng pamunuan ng PNPA si Diosdado Reyes, isang stay-in mess hall worker matapos na ituro bilang kanyang pusher ng kadeteng nagpositibo sa drug test na si Cadet 1st Class John David Macagba.
Naaresto rin kahapon ang supplier ng droga ni Reyes na si Noel Miranda alyas Bayabas, sa isang follow-up buy bust operation sa Barangay Lumil Silang, Cavite, ng pinagsanib na pwersa ng Regional Drug Enforcement Unit at Silang Municipal Police Station.