Pinaplansya na ng Department of Education (DepEd) ang dalawang sistema na ipatutupad ng kagawaran upang makumpleto ang final grade ng mga estudyante sa Metro Manila sa gitna ng umiiral na class suspension dahil sa banta ng COVID- 19.
Sa briefing ng Laging Handa sa Malacañang, sinabi ni DepEd Undersecretary Alain Pascua na dalawang linggo na lamang ang natitirang school days ng mga magaaral sa public schools. Sa susunod na linggo nakatakda ang mga fourth quarter exams ng mga estudyante.
Ayon kay USEC Pascua, isa sa mga isinasapinal nila ay ang paggamit ng transmutation formula, o ‘yung pagco-compute ng grado ng mga magaaral mula 1st, 2nd at 3rd quarter plus ang remaining standing nila sa 4th quarter. Ang formula raw na ito ay ilalabas nila sa porma ng isang DepEd memorandum o DepEd order.
Sakali naman na hindi kuntento ang mga magaaral sa kanilang remaining standing, maaari naman, aniya, silang kumuha ng online exam. Ito ay ayon kay USEC. Pascua ay dahil 98-99% sa mga magaaral ay mayroon nang access sa teknolohiya at Wi-Fi.
Dito naman, aniya, papasok ang DepEd Commons, kung saan ang mga natitirang lessons ng mga magaaral ay maa-access online at online na rin ang eksaminasyon.
Para naman sa mga mag-aaral na nasa labas ng Metro Manila na hindi nagpapatupad ng class suspension, ayon kay USEC. Pascua, ang fourth quarter exam ay gagawin on a staggered basis. Ibig sabihin, papasok lamang ang mga magaaral sa mismong araw kung kailan sila nakatakdang mag-exam.
Ito, aniya, ang mga hakbang na ipinatutupad ng DepEd para sa social distancing measures sa mga magaaral kontra COVID-19, sakop man o hindi ng class suspension.