2 station commander ng MPD, sinibak sa pwesto

Sibak sa pwesto ang dalawang opisyal ng Manila Police District (MPD).

Batay sa kopya ng administrative relief, ipinag-utos mismo ni National Capital Region Police Office Chief PBGen. Anthony Aberin ang pagsibak kina PLTCol. Jason Manatad Aguilon at PLTCol. Lazarito Fabros.

Si Aguilon ang commander ng Police Station 10 sa Pandacan habang Station Commander ng Station 14 sa Barbosa si Fabros.

Batay sa nakalap na impormasyon, tinanggal umano si Aguilon matapos ireklamo ang isang “striker” ng Peñafrancia PCP na naglabas ng armalite at nakarating mismo sa hepe ng NCRPO.

Sinibak naman sa pwesto si Fabros dahil sa insidente ng pamamaslang sa nominee ng Ang Bumbero ng Pilipinas Party-list na si Leninsky Bacud sa Sampaloc, Maynila na ikinasugat din ng isang rumespondeng pulis.

Sinusubukan pang kunan ng pahayag si MPD Chief Police Brigadier General Benigno Guzman.

Wala pa ring nilalabas na pangalan kung sino ang papalit na station commanders ng dalawang PCP.

Facebook Comments