
Cauayan City – Sugatan ang dalawang indibidwal matapos bumangga ang sinasakyan nilang kolong-kolong sa isang kasalubong na pampasaherong bus sa Brgy. Magapit, Lal-lo, Cagayan.
Ayon sa ulat ng Lal-lo Police Station, parehong binabaybay ng dalawang sasakyan ang magkasalungat na direksyon, biyaheng Maynila ang bus, habang patungong Allacapan naman ang kolong-kolong.
Sa hindi inaasahang pangyayari, lumipat umano sa kabilang linya ang kolong-kolong at sumalpok sa bus.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na posibleng nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang 38-anyos na driver ng kolong-kolong.
Nakaantabay pa ang pulisya sa resulta ng pagsusuri mula sa duktor upang kumpirmahin ito.
Agad namang isinugod sa ospital ang mga biktima dahil sa tinamong sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang iba pang detalye ng insidente.
Sa ngayon, nagpapagaling na ang mga sugatan sa pagamutan at inaasahang magkakaroon ng pag-uusap para sa isang maayos na kasunduan.









