
Dalawang lalaki ang nagtamo ng mga sugat matapos masangkot sa isang vehicular traffic incident kahapon ng umaga sa kahabaan ng National Road sa Brgy. Banaoang, Sta. Barbara.
Ayon sa imbestigasyon, pareho ang direksyon na binabagtas ng dalawang drayber nang mangyari ang insidente. Habang nag-o-overtake ang SUV (V1), na minamaneho ng isang 51-anyos na lalaki, nag-overtake din ang motorsiklo (V2), na minamaneho naman ng 23-anyos na lalaki kasama ang angkas nito. Sa puntong iyon, aksidenteng nabangga ng motorsiklo ang harap na kaliwang bahagi ng SUV.
Dahil sa impact, nasugatan ang driver at backrider ng motorsiklo na agad dinala sa pinakamalapit na ospital. Samantala, wala namang iniulat na pinsala sa driver ng SUV.
Parehong sasakyan ay nagtamo ng pinsala kung saan tinataya pa ang halaga ng pagkukumpuni at dinala sa Sta. Barbara MPS para sa tamang disposisyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







