2 sugatang pulis sa naganap na engkwentro sa San Miguel, Bulacan, binigyang pagkilala ng pamunuan ng PNP

Ginawaran ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ng medalya ang dalawang pulis na nasugatan sa isang madugong engkwentro sa pagitan ng mga high value drug personalities sa San Miguel, Bulacan.

Bukod sa medalya nangako rin ang PNP chief kina PCpl. Richard Neri at Patrolman James Ibasco na sasagutin ang kanilang medical expenses.

Nabatid na kapwa nagpapagaling ang dalawang pulis sa Bulacan Medical Center.


Matatandaan nitong Nobyembre 28 nang maka-engkwentro ng 2nd Police Mobile Force Company ng Bulacan Provincial Police Office ang anim na miyembro ng kilabot na Salvador Criminal Group.

Nabatid na magsisilbi lamang sana ng search warrant ang pulisya nang manlaban ang mga suspek dahilan para mauwi ito sa palitan ng putok.

Patay sa operasyon ang isa sa mga suspek at arestado naman ang apat na kasabwat nito habang ang isa ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Itinuturing ang Salvador Criminal Group na high value target drug group sa Nueva Ecija.

Facebook Comments