Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay, naaresto sana ang dalawang babaeng suicide bombers sa Jolo, Sulu, kung hindi napatay ng siyam na pulis ang apat na sundalong nagsasagawa ng surveillance sa mga ito noong June 29.
Diin ni Gapay, nasa area na ng 2 female suicide bombers ang take down team noon at minutes away na lang ang mga napatay na sundalo kung saan tinutukoy na lang nila noon ang eksaktong bahay kung nasaan ang mga target.
Iginiit ni Gapay na dahil sa shooting incident ay naalarma ang mga suicide bomber at agad na tumakas.
Sinabi ni Gapay na ang hindi pagkahuli sa mga suicide bombers ang maaaring dahilan kaya’t naisakatuparan ang pambobomba sa Jolo, Sulu nitong August 24.
Hindi rin naitago ni Gapay ang pagkadismaya dahil hindi na-relieve sa pwesto ang mga pulis na sangkot sa pamamaril at sa halip ay inilagay lamang sila sa restrictive custody.
Ang nabanggit na mga impormasyon ay ibinahagi ni Gapay sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments (CA) para sa kanyang nominasyon bilang 4-star General na inaprubahan naman ng CA kasama ang promosyon ng 29 pang mga opisyal.