
Balik trabaho na ang dalawang junior officers ng Philippine Air Force (PAF) na umano’y biktima ng pang-aabusong sekswal ng isang two-star general.
Ayon kay Col. Ritza Ann Jovellanos, OIC Spokesperson ng PAF sumailalim sa sampung araw na wellness break ang dalawang sundalo bago muling bumalik sa kanilang serbisyo.
Aniya, tumanggi ang mga biktima na gamitin ang libreng psychological support ng PAF at sa halip ay nagbayad ng sarili nilang counseling.
Kasunod nito, tiniyak ng AFP na handa nilang isuko ang nasabing senior officer sa oras na maglabas ng commitment order ang isang civilian court.
Sa ngayon, tapos na ang inisyal na imbestigasyon ng kaso at kasalukuyang nire-review ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., na siya ring magsisilbing convening authority para sa posibleng court martial proceedings.
Matatandaang naganap umano ang panghahalay sa loob mismo ng quarters ng heneral sa San Fernando Airbase, Lipa City, Batangas noong Enero.
Ni-relieve na ang hindi pinangalanang opisyal at kasalukuyang nasa ilalim ng house arrest.









