Cauayan City, Isabela- Nagbalik-loob na sa gobyerno ang dalawang supply officer ng rebeldeng New People’s Army (NPA) bitbit ang kanilang armas sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Sa ginawang panghihikayat ng kani-kanilang mga asawa na una na ring nagbalik-loob, sumuko sa hanay ng 95th Infantry Battalion, Philippine Army at mga kapulisan sina alyas Grace at alyas Lita ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).
Batay sa salaysay ni alyas Grace, taong 2014 nang mahikayat siya nina alyas Acer at alyas Peter na umanib sa rebeldeng kilusan sa bayan ng Nagtipunan, Quirino bago siya inilipat sa bayan ng San Mariano, Isabela.
Habang si alyas Lita ay nahikayat na umanib noong taong 2015 sa panghihikayat naman ni alyas Shuli.
Taong 2019 nang kapwa hindi na naging aktibo sa kilusan ang dalawang nagbalik-loob matapos na makita nilang tuluyan nang humina ang kanilang hanay dahil sa kawalan ng suporta ng mga tao sa grupong NPA.
Napagtanto na rin nila ang ginawang panlilinlang ng mga rebelde at hindi na muli magpapabiktima.
Samantala, narekober naman ng mga otoridad ang isang M16 rifle, US carbine M1 at isang short magazine sa pamamagitan ng impormasyong ibinahagi ng isang dating miyembro rin ng rebeldeng grupo.
Nakuha ang mga gamit pandigma sa Barangay Cadsalan, San Mariano, Isabela na itinago ng mga NPA.
Pinapurihan naman ni BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th ID ang ginawang pagsuko ng dalawang rebelde na nabiktima ng maling ideolohiya ng mga NPA.