2 suspek, patay matapos maka-engkwentro ng PNP sa Quezon

Nasawi matapos maka-engkwentro ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) Lucena City Police Station ang 2 suspek sa pamamaril sa Barangay Antipolo, Sariaya Quezon.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina alias Bin Laden at alias Palos na kapwa residente ng Lucena City.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na bago naganap ang engkwentro ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa pamamaril sa biktimang si Michael Joshua Ranas Timajo.


Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa loob lamang ng tahanan ang biktima nang bigla itong pasukin at pagbabarilin ng mga suspek dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.

Matapos nito mabilis na tumakas ang 2 suspek at dito na nagkasa ng dragnet operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ni Alyas Soya na nagturo sa kanyang mga kasamahan.

Nabatid na sa hot pursuit operation na ginawa ng mga awtoridad nagkaputukan ang mga pulis at suspek na nagresulta sa agarang pagkamatay ng mga suspek.

Lumalabas din sa imbestigasyon na si Alyas Bin Laden ay pangunahing suspek sa isa pang insidente ng pamamaril sa Lucena noong nakaraang buwan.

Facebook Comments