
Naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR) ang 2 suspek sa pagpatay sa isang 57 taong gulang na Turkish national na natagpuan sa tubuhan sa Sitio Mampuso, Barangay Canlamay, Ilog, Negros Occidental.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang nasabing biktima ay umiinom kasama ang isang babae bago mangyari ang insidente.
Napadaan umano ang biktima sa taniman ng tubuhan nang siya ay atakihin ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal na nagresulta sa matinding pinsala sa ulo nito.
Sa maigting na imbestigasyon at follow-up operations, nakilala at naaresto ang dalawang suspek na mag-live-in partner.
Inamin ng lalaking suspek ang pagpatay sa dayuhang biktima at sinabi na pagnanakaw ang naging motibo sa krimen.
Ibinunyag rin nito na planado nila ng kanyang ka-live-in partner na babae ang pag-atake sa nasabing biktima, na siya ring kasama nito bago maganap ang insidente.
Narekober sa crime scene ang prosthetic leg at damit ng biktima, susi ng kotse, mga damit at gloves na ginamit ng suspek, at isang itim na t-shirt na ginamit para pantakip sa mukha.
Sa ngayon, ang mga nasabing suspek ay nasa kustodiya ng Ilog Municipal Police Station (MPS) habang inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.










