
Nasagip ng mga awtoridad mula sa Ilocos Norte Police Provincial Office ang isang dalawang taong gulang na batang na-trap sa loob ng isang naka-lock na sasakyan sa Laoag City, nitong March 17, 2025.
Sa impormasyong nakarating sa Philippine National Police (PNP), nasa lugar noon sina Patrolman Jayvee Vite at Patrolman Rexor John Rogel, kapwa nakatalaga sa Ilocos Norte Police Provincial Office, nang lapitan sila ng tagapag-alaga ng bata na humihingi ng saklolo.
Nabatid na iniwan nito ang bata sa sasakyan na may bukas na aircon, ngunit napindot nito ang mga control button kaya na-lock ang sasakyan.
Matapos ang halos isang oras na pagkakakulong ng bata, nailigtas ito matapos basagin ng mga pulis ang bintana ng sasakyan.
Kasunod nito, nagpaalala ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at maingat, lalo na pagdating sa kaligtasan ng mga bata.