
Humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang dalawang babaeng testigo na nagbigay-diin sa kaugnayan ng contractor na si Curlee Discaya kay dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng pagbili ng isang property sa isang sikat na subdivision sa Makati City.
Ang pagharap ng mga testigo ay may kinalaman sa umano’y pagbili ni Romualdez ng isang house and lot sa South Forbes Park.
Ang dalawang babae, na nagpakilala lamang sa mga alyas na Maria at Joy, ay nagsabing sila ay mga staff ng dating may-ari ng property na si Rico Ocampo, na ayon sa kanila ay nabili ni Romualdez noong April 2023.
Ayon sa mga testigo, ipinakilala sa kanila ng broker na si TJ Conti si Curlee Discaya bilang contractor ng nabiling property noong February 1, 2024, bagama’t wala pang limang minuto ang naging introduksyon.
Kinabukasan, February 2, 2024, ay mas tumagal umano ang kanilang pag-uusap kay Discaya matapos silang makiusap na i-extend ang petsa ng pagbabakante sa property dahil sa dami ng gamit na kailangang ilipat.
Dito umano sinabi ni Discaya na siya ang contractor ng property at mayroon ding sinusunod na deadline. Nang tanungin umano ng mga testigo kung maaari pang makiusap sa bagong may-ari ng bahay, doon na binanggit ni Discaya na si Romualdez ang nakabili ng naturang property.
Sa gitna ng pagdinig, itinuro at kinilala ng dalawang babaeng testigo si Discaya bilang parehong taong kanilang nakausap noong mga nabanggit na petsa.
Gayunman, mariing itinanggi ni Discaya ang mga pahayag at iginiit na hindi niya kilala at hindi niya maalala na nakaharap ang dalawang testigo. Humirit pa ito na kung maaari ay alisin ng mga testigo ang kanilang facemask, subalit hindi ito pinayagan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Dagdag pa ni Discaya, malabo umanong nakausap niya ang mga ito dahil hindi pa raw siya nakakapasok sa South Forbes Park at wala rin siyang inuutusang broker. Aniya, takot siyang bumili ng lupa sa naturang lugar at ang kaya lamang niyang bilhin ay lupa sa Pasig City dahil mas mura umano ito.










