2 Tsuper ng Motorsiklo, Nagkabanggaan; 1 Patay

26

Cauayan City, Isabela- Agad na binawian ng buhay ang isang motorista matapos itong bumangga sa kasalubong na motorsiklo bandang 9:21 kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. District 1, Tumauini, Isabela.

Kinilala ang nasawing biktima na si Roger Salem, nasa tamang edad at residente ng Brgy. Maligaya habang ang suspek na nakabanggaan nito ay nakilalang si Rodel Queja Rivera, 40-anyos na residente ng Brgy. San Pedro sa nasabing bayan.


Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Tumauini, magkasalungat na binabagtas ng mga tsuper ng motorsiklo ang pambansang lansangan ng aksidenteng magkabanggaan ang mga ito na nagresulta ng matinding sugat sa ulo ang nasawing biktima na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay habang nagtamo ng minor injuries si Rivera.

Nagawa pang isugod sa pagamutan ang mga sangkot sa aksidente subalit hindi na umabot pa ng buhay si Salem habang sumuko naman sa pulisya si Rivera

Posibleng maharap sa kaukulang kaso ang suspek matapos ang insidente.

Facebook Comments