Cauayan City, Isabela- Timbog ang dalawang tulak ng droga at marijuana sa isinagawang magkahiwalay na buy bust operation ng mga otoridad sa Lambak ng Cagayan.
Unang naaresto ng pinagsanib-pwersa ng mga tauhan ng PDEA Batanes, Regional Drug Enforcement Unit at Provincial Drug Enforcement ng Cagayan ang suspek na High Value Target (HVT) na si Antonio Bacud, 53 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at residente ng San Antonio, Aparri, Cagayan.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Bacud ang isang (1) piraso ng lalagyan na binalot ng brown scotch tape na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may fruiting tops at isa (1) pang piraso ng lalagyan na nakabalot naman ng transparent scotch tape at naglalaman ng marijuana na may bigat na MOL 500 grams at tinatayang nagkakahalaga ng Php60,000.00, isang unit ng cellphone at ang perang ginamit sa transaksyon (buy bust money).
Samantala, huli rin ng mga otoridad ang isa pang itinuturing na high value target sa Lungsod ng Santiago na kinilalang si Ruzzle Balunsat, 34 taong gulang, walang asawa, cellphone technician at residente ng Brgy. Rosario, Santiago City, Isabela.
Nakuha naman mula kay Balunsat ang isang (1) pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng Php4,080.00 at ang buy bust money.
Parehong mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Bacud at Balunsat na kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya.