2 UNIBERSIDAD SA REGION 1, SUPORTADO ANG PANAWAGAN KONTRA KALTAS SA PONDO NG SUCS SA 2026

Dalawang state university mula sa Ilocos Region ang lumagda sa unity statement na pinangunahan ng Kabataan Partylist para ipanawagan ang pagbabalik ng mga tinapyas na pondo at tugunan ang kakulangan sa pondo ng Free Higher Education (FHE) program sa 2026.

Lumagda sa pahayag sina Pangasinan State University President Dr. Elbert M. Galas at Don Mariano Marcos Memorial State University President Dr. Jaime I. Manuel Jr., kasama ang 38 pangulo ng iba pang State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa.

Binigyang-diin sa pahayag na kahit ipinangakong popondohan ang tatlong taong backlog ng FHE, 26 SUCs pa rin ang maaapektuhan ng budget cuts sa 2026 National Expenditure Program. Dagdag pa rito, may kakulangan na ₱3.34 bilyon para sa FHE fund sa susunod na taon.

Ayon pa sa pahayag, ang patuloy na underfunding ay isang direktang paglabag sa karapatan sa edukasyon ng bawat Iskolar ng Bayan.

Pinuri naman ng Kabataan Partylist ang paninindigan ng mga opisyal ng SUCs at ang kanilang pagkakaisa para sa seguridad ng libreng kolehiyo sa bansa. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments