20% Development Fund na Pinaghatian Umano ng mga Brgy. Officials sa Isabela, Iimbestigahan ng DILG

Cauayan City, Isabela- Nangako ang provincial director ng DILG Isabela na paiimbestigahan nito ang natanggap na impormasyon kaugnay sa isang barangay sa Lalawigan na pinaghati-hatian umano ng mga opisyal ang 20 porsiyentong development fund nito.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Engr. Corazon Toribio, hindi aniya maaaring galawin para sa ibang bagay ang nakalaan para sa development fund ng isang barangay.

Kanyang sinabi na maaari lamang gamitin ang 20% development fund sa mga proyekto at hindi rin maaaring paghati-hatian ng mga barangay officials.


Kaya importante aniya na makapagsagawa ng assembly meeting ang isang barangay upang malaman kung saan nagamit at nailaan ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng barangay.

Nagbabala naman si Engr. Toribio sa mga barangay officials na huwag galawin o ibulsa ang development fund kundi gamitin ang pondo sa tamang paraan.

Kung mayroon aniyang impormasyon na ginamit ang pondo sa ibang bagay ay maaaring ipagbigay alam sa pamunuan ng DILG upang matugunan ito ng ahensya.

Facebook Comments