Sa ating panayam kay Nurse 1 Delia Gonzalvo, STI/HIV Coordinator ng City Health Office 1, mula sa mahigit animnapung entertainer na nagpatingin sa Health Center noong nakaraang Huwebes, 20 rito ay nakitaan ng senyales at sintomas ng STI.
Ayon kay Gonzalvo, karamihan sa mga positibo ay mga bagong nagtatrabaho sa bar sa bayan ng Luna at Lungsod ng Cauayan na mga nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.
Isa aniya sa nakikitang rason kung bakit mayroon pa rin nagpopositibo sa STI ay dahil sa hindi nila paggamit ng proteksyon o condom sa tuwing sila ay nakikipagtalik.
Niresetahan naman ng gamot ang mga nagpositibo at inabisuhang magpagaling ng sampung araw.
Kung hindi naman gumaling sa loob ng sampung araw ay pinapabalik ang babae sa health center para masuri at maresetahan muli ng iba pang gamot.
Para naman sa mga naglalabas ng entertainer, mayroong iniisyu na pink card ang RHU na maaaring tignan ng kliyente para malaman kung may sakit ang babae o kung gumaling na ito sa impeksyon.
Paalala nito sa mga may STI na sundin lamang ang mga payo ng Doktor o Nurse para sa agarang paggaling at ng hindi rin makahawa sa ibang tao.
Samantala, hinihikayat ni Nurse 1 Gonzalvo ang mga kababaihan na kung nakakaranas ng sintomas ng STI o HIV ay magtungo lamang sa kanilang tanggapan para maisailalim sa libreng Pap test.