
Nananatiling unpassable sa mga motorista ang ilang kalsada at tulay sa dalawang rehiyon sa bansa matapos malubog sa baha at mapinsala dahil sa hagupit ng Bagyong Crising na pinalakas pa ng habagat.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 17 kalsada at isang tulay sa Central Visayas ang hindi muna madaraanan ng mga motorista habang dalawa naman ang mula sa Western Visyas.
Isang bahay rin mula sa Sibalom, Antique ang naitalang totally damaged.
Samantala, nananatili pa ring lubog sa baha ang ilang lugar sa Central Visayas.
Kabilang dito ang ilang barangay sa Mandaue at Cebu City habang may naitala ring landslide sa Brgy. Lagtang, Talisay, Cebu.
Wala pa ring kuryente ang bayan ng Sebaste sa Antique kung saan tuloy-tuloy ang restoration process.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang pagbibigay ng ayuda ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng sama ng panahon kung saan nakapagbigay na ng inisyal na P1.2-M na halaga ng tulong sa pamamagitan ng relief goods at hot meals.









