Naligtas ng mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na naka-deploy sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea ang 20 mangingisda matapos na sumadsad ang kanilang sinasakyang bangka.
Ayon kay Commodore Donn Anthony Miraflor, Commander ng Naval Forces West, ang mga mangingisda ay sakay ng Filipino Fishing Boat (FFB), Queen Lorena-1 na ang kapitan ay kinilalang si Jeorge G. Sambilad.
Papasok na sana ang bangka sa sheltered port ng Pag-asa island nang magka-problema sa makina na naging sanhi ng pagkakasadsad nito sa mababaw na bahagi ng karagatan.
Agad na rumesponde ang mga tropa sa tulong ng MAMSAR Construction and Industrial Corporation para mahila patungo sa dalampasigan ang nasabing bangka.
Ang mga tauhan naman ng Area Task Force West (ATF West) at Joint Task Force West (JTF West) ng Western Command (WESCOM) ang tumulong sa pagkumpuni ng nasirang fishing boat para makapaglayag pauwi.
Habang ang crew ng fishing boat ay pansamantalang pinatuloy sa Naval Station Emilio Liwanag, Pag-asa Island, habang inaayos ang kanilang sasakyan.