Inihayag ng pamunuan ng Antipolo City Government na mula ngayong Lunes ay sarado ng pitong araw ang COVID-Emergency Room (ER) at Non-COVID-ER ng Rizal Provincial Hospital System Annex 2 (RPHS-2) sa Brgy. Dalig, Antipolo City.
Ito ang inanunsyo ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares kasunod ng pagpositibo sa Coronavirus ng 20 medical frontliners na nakatalaga rito.
Sa Facebook post ng alkalde, ang hindi pagdedeklara ng tamang impormasyon at kundisyon ng kalusugan ng isang pasyenteng may COVID-19 ang dahilan ng pagkakahawa ng malaking bilang ng mga health workers ng RPHS-2.
Dahil dito, bukod sa malawakang disinfection at contact tracing ay nagsagawa na rin kagabi ng swab testing sa mga close contacts ng mga nagpositibo.
Paliwanag ni Mayor Ynares, mayroon pa namang tatlong iba pang public hospitals na maaaring mapuntahan ng mga pasyente sakaling mayroong emergency.
Noon lamang nakalipas na March 24 ay dalawang araw ring ini-lockdown ang bahagi ng Rizal Provincial Hospital System Annex 2 matapos na ma-expose rin sa COVID 19 ang ilang health workers mula sa sinuring dalawang pasyente na positibo sa virus.