Nasakote sa ikinasang operasyon ng Criminal Investigation & Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) katuwang ang Securities and Exchange Commission (SEC) at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang 12 Filipino at 8 foreign nationals na sangkot sa umano’y investment scam sa isang hotel sa Makati nitong Linggo.
Nag-ugat ang operasyon makaraang magpasaklolo sa pulisya ang Enforcement and Investor Protection Department ng SEC dahil sa umano’y pagkakasangkot ng nasabing kompanya sa investment fraud.
Sa nasabing operasyon, narekober sa hotel ang investment money at 1 USB na naglalaman ng Powerpoint Presentation ng naturang hindi lisensyadong kompanya.
Ang mga naarestong suspek ay dinala na sa CIDG-NCR at nahaharap sa paglabag sa RA 8799 (Securities Regulation Code) at RA 11765 (Financial Products and Services Consumer Protection Act).
Kasunod nito, muling nagpaalala ang CIDG sa publiko na wag basta basta maniniwala sa mga alok na too good to be true.