Umaasa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na madaraanan na ang lahat ng national road sa mga lugar na sinalanta ng Typhoon Ulysses ngayong araw.
Sa isang panayam, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na mula sa 116 na kalsadang nagsara dahil sa epekto ng bagyo, 20 na lamang ang hindi pa nadaraanan.
Ito ay dahil sa mga insidente ng landslide at sa nararanasan pa ring pagbaha partikular na sa Central Luzon, Cagayan Valley, Bicol Region at Cordillera Administrative Region.
Sa Region 2, umabot na sa P1.5 billion ang pinsalang iniwan ng bagyo sa imprastraktura na karamihan ay mga flood-control project.
Samantala, ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, bagama’t humupa na, may mga lugar pa rin sa kanilang probinsya ang mayroong baha pero hindi na kasing tindi noong mga nakalipas na araw.
Bahagya lang din ang naging pagbaba ng tubig-baha sa Isabela.
Pero ayon kay Isabela Gov. Rodolfo Albano, nadaraanan na rin ang national road sa probinsya kaya mas madali na silang nakakapagsagawa ng relief operations sa mga isolated areas.
Samantala, nasa 600 equipment at 2,700 tauhan ang idineploy ng DPWH para sa road-clearing operations.