Mahigpit na tinututukan ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga palayan sa Central Luzon dahil sa pangmatagalang epekto ng El Niño ngayong taon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NIA Administrator Eduardo Guillen na posibleng maapektuhan ang nasa 20% ng palayan sa buong bansa partikular na sa Central Luzon dahil sa kakulangan ng tubig para sa irigasyon.
Tinatayang nasa 50,000 na ektarya ng palay sa Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan at Tarlac ang maaapektuhan ng kakulangan ng irigasyon mula sa Pantabangan Dam habang 30,000 na ektarya naman ang maaapektuhan sa natitirang bahagi ng Central Luzon.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagtatanim ng rice varieties na malaki ang magiging ani sa mga lugar na may sapat na irigasyon.
Dagdag pa ni Guillen na gagawin din ng NIA ang alternate wetting at drying technology kung saan hindi ito nangangailangan ng maraming tubig para sa irigasyon at tataas pa ng 20% hanggang 30% ang ani.
Samantala, ang mga magsasaka na hindi masusuplayan ng sapat na irigasyon ay makakatanggap naman ng tulong mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng mga programang cash-for-work ng mga ahensya.