20 percent discount sa mga pasaherong senior citizen, PWDs at estudyante, hindi na ipasasalo sa riders at drivers ng ride-hailing apps

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na ipasasalo o ikakaltas sa mga driver ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS) ang 20% discount para sa mga pasahero na senior citizens, Persons with Disability o PWDs at estudyante.

Kaugnay na rin ito sa mga reklamong nakarating sa opisina ni Senate Committee on Public Services Chairman Raffy Tulfo noong nakaraang taon na hirap mag-book ng masasakyan na TNVS ang mga matatanda, may kapansanan at mga mag-aaral dahil pinapasalo pala sa mga rider ang diskwento ng mga ito.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, may binabalangkas na silang draft ng memorandum circular na ipatutupad sa Pebrero kung saan ang 20% discount sa pamasahe ng mga senior citizen at mag-aaral ay sa mga TNVS operator at owner ng application na ibabawas o ipasasalo at hindi kasama rito ang riders o drivers.


Sinabi ni Guadiz na bunga ito ng utos rin ni Tulfo sa kanilang tanggapan at sa katunayan ay nagsagawa rin sila ng pagdinig para dito na dinaluhan ng mga pangunahing Transportation Network Companies (TNCs) kabilang ang Joyride, Move It, Angkas at Grab.

Batay sa kanilang isinagawang pagdinig, ang 20% discount sa mga senior, estudyante at PWDs ay sinasalo ng mga TNC ng Joyride at Angkas habang sa kaso ng Grab ang 40% mula sa 20% discount ay sinasagot ng Grab habang 60% dito ay pinasasalo sa TNVS operator o may-ari ng sasakyan.

Facebook Comments