Tinawag ng Commission on Higher Education (CHED) ang pansin ng may 20 pang paaralan na hindi pa nakapagsumite ng kanilang billing requirements sa Private Education Assistance Committee (PEAC).
Nakatugon na ang 264 private Higher Education Institutions (HEIs) matapos paalalahanan ng CHED.
Ayon kay Ched Chairman Prospero de Vera III, ang 20 paaralan ay bahagi ng natitirang 9% na hindi pa naindorso ng PEAC mula sa 304 private HEIs na may mahigit 15,000 grantees.
Ito ang dahilan ng delay sa proseso at pagbibigay ng Tertiary Education Subsidy (TES) scholars sa 500 grantees ng Academic Year 2019-2020.
Ang PEAC ang nagpoproseso ng TES billings ng mga private HEI at saka iindorso sa CHED at UniFAST para sa payment.
Sinabi ni de Vera, kabuuang 253,585 TES beneficiaries mula sa 1,247 private HEIs sa buong bansa ang validated na para sa Academic Year 2019-2020 na makakatanggap ng subsidy.
Habang pinoproseso pa ng UniFAST ang 91% ng billing claims na inindorso ng PEAC para naman sa 234,436 grantees ng 943 private HEIs.
Bawat estudyante na naka-enroll sa private HEIs na eligible sa TES program ay makatatanggap ng P60,000 bawat academic year kapag kabilang sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) – National Household Targeting Office Listahanan 2.0.