Nasa critical level na ang halos 20 private hospitals sa Metro Manila bunsod ng tumataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Jose De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP), naabot na ng mga ospital ang mahigit 85% ng kapasidad nitong tumanggap ng mga COVID-19 patient.
Samantala, nasa high-risk level na rin ang 23 iba pang health facilities.
Tumataas din ang hospital occupancy rate sa Cebu City at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni Health Undersecretary at Treatment Czar Leopoldo Vega na pakikiusapan ulit nila ang mga ospital na magdagdag ng mga kama para sa mga pasyenteng may COVID-19.
“Sa national, mababa, nasa low-risk category tayo, nasa mga 47-49% ang bed, isolation at ICU. Pero dito sa NCR, medyo mataas na tayo kaya kailangan talaga nating bantayan, mag-reactivate ulit sa mga ginawang hakbang noon ng mga ospital na mag-alocate ng mas maraming beds for COVID,” ani Vega.
Samantala, ayon kay de Grano, ilang pribadong ospital ang nagbawas ng tauhan dahil na rin sa delay ng reimbursement ng PhilHealth.
Nabatid na nasa P6 billion pa ang hindi nababayarang utang ng PhilHealth sa mga ospital na miyembro ng PHAP.