20% tax sa honorarium ng mga gurong magsisilbi sa eleksyon, pinasususpinde

Umapela ang grupo ng mga guro sa gobyerno na huwag ng buwisan ang honorarium na matatanggap ng mga gurong magsisilbi sa darating na halalan sa Mayo.

Nabatid na mula sa 5% ay itinaas sa 20% ang tax na ikakaltas sa P2,000 travel allowance ng mga guro o katumbas ng P400.

Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas, kung tutuusin ay pinapakiusapan lamang ang mga guro na magtrabaho tuwing eleksyon.


Kaya sakaling tumanggi ang mga guro na gampanan ang kanilang “special task” ay ang COMELEC din naman mismo ang mamomroblema.

Samantala, kahapon ay una nang nagprotesta sa harap ng tanggapan ng COMELEC sa Maynila ang ilang grupo ng mga guro at ipinanawagan ang pag-aalis ng tax sa kanilang mga allowance at honoraria.

Tinuligsa rin ng mga guro ang pagpapababa sa mga guro mula sa pagiging Chairperson of the Electoral Board patungong Third Member na nangangahulugan din ng mas mababang honorarium –– oras na magpositibo sila sa antigen test na ginawa bago ang pagsasanay sa mga miyembro ng Board of Election Inspectors (BEIs).

Sabi ni ACT-NCR Union President Vladimer Quetua, maituturing itong discriminatory at hindi makatao.

Facebook Comments