Magpapadala ng nasa 200 karagdagang pulis mula sa dalawang rehiyon sa Bicol region.
Ayon kay Police Regional Office 5 Regional Director PBGen. Andre Dizon, tig-100 pulis ang ipadadala ng Police Regional Office 4A at Police Regional Office 8 para may kahalili ang mga pulis na patuloy na nagsasagawa ng rescue operations simula pa noong nakaraang araw dahil sa epekto ng Bagyong Kristine.
Ayon kay Dizon, ang hakbang ay matapos ang emergency meeting kaninang tanghali kay Deputy Chief PNP for Operations PLtGen. Michael John Dubria at binigyan-diin ang pangangailangan ng pagkakaroon ng rotation ng mga pulis.
Inaasahang ngayong hapon din darating ang mga pulis at agad ide-deploy sa mga apektadong lugar.
Batay sa pinakahuling datos ng PNP PRO5, 20 ang napaulat na nasawi sa pananalasa ng bagyo, 9 ang sugatan habang 4 naman ang nawawala.
Samantala, lumobo pa sa 54,882 pamilya o katumbas ng 226,531 mga indibidwal ang apektado ng bagyo sa Bicol region.