Arestado ang 200 katao matapos salakayin ng Commission on Elections (Comelec) at Navotas City Philippine National Police (PNP) dahil sa alegasyon ng vote buying.
Sa inisyal na impormasyon ng Comelec ngayong hapon, ginawa ang pagsalakay sa isang warehouse sa Policarpio St. M. Naval Brgy. San Jose, Navotas City.
Nakuha sa mga inaresto ang bugkos ng sobre na nagkakahalaga ng tig-₱300 at ₱500 kasama na ang pangalan at presinto ng bawat botante.
Sa inisyal na report, pawang mga taga-Brgy. Prosperidad Malabon City ang mga inaresto na botante at gayundin ang mga organizer.
Hindi pa binabanggit ng Comelec ang pangalan ng kandidato na nasa likod ng umano’y vote buying na ito.
Ayon naman sa Navotas City election officer sa mga inaresto, ang 200 katao ay bahagi ng mga kinuhang watcher ng isang kandidato habang ang pera ay pambayad sa kanila sa Lunes bilang inisyal na bayad sa kanilang trabaho.
Inihahanda na ang kasong isasama sa mga inaresto pati na rin sa kandidato na nasa likod ng umano’y vote buying.