200 na indibidwal sa Capiz, nabakunahan kontra COVID-19 ng Philippine Red Cross

Bumiyahe patungong Barangay Agustin Navarra, Ivisan, Capiz ang Bakuna Bus ng Philippine Red Cross (PRC) upang bakunahan ang 200 na indibidwal mula sa mga priority groups ng kanilang first dose ng Sinovac.

Ayon kay PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon, kahit maraming pagsubok ang kinakaharap ngayon ng bansa dahil sa pandemya ay patuloy pa rin ang kanilang pagtulong.

Dagdag pa ni Gordon, palaging tinitiyak ng Red Cross ang kaligtasan at pagiging epektibo ng mga bakuna dahil makakatulong ito upang mapigilan ang pandemya.


Ayon naman sa PRC Capiz Chapter, nagtungo ang kanilang PRC Bakuna Bus na Ceres Liner sa nasabing lugar upang bakunahan ang mga residente na mula sa A2 na senior citizen at A3 o persons with comorbidities priority groups.

Nitong Setyembre 23, aabot sa 1,213 na indibidwal sa Capiz ang nabakunahan ng first dose ng Sinovac habang babalik naman sa Oktubre 21 para sa second dose ng vaccine.

Batay sa huling datos, nakapagtala ang PRC ng higit 253,026 na indibidwal ang nabakunahan na mula sa kanilang 21 Bakuna Centers at 16 Bakuna Buses sa bansa.

Facebook Comments