Inilagak sa isang mass grave sa main circle ng Manila North Cemetery (MNC) ang humigit-kumulang 200 pirasong bungo at buto na natagpuang pakalat-kalat sa loob mismo ng nasabing sementeryo nitong Martes.
Ayon sa pamunuan ng MNC, nakita umano ang mga labing itinapon kung saan-saan: gilid at bubungan ng mga nakapalibot na tirahan, ibabaw ng mga puntod at apartment-style na nitso.
“Walang tala at tracking ang administrasyon ng Manila North Cemetery sa mga nakuhang buto, kaya hindi na ito makikilala,” tugon pa ni Roselle Dr. Castañeda, officer-in-charge ng MNC.
Muli silang inilibing para mabigyan ng respeto, dignidad, at katahimikan ang mga yumao.
Sa Facebook post ng Manila Public Information Office noong nakaraang linggo, inihayag nitong umabot sa 56 sets na kalansay ang nakolekta mula pa noong ika-3 ng Agosto.
Isinagawa ang mass graving matapos irekomenda ni Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan sa isang memorandum na hindi na makilala at hindi na ma-trace kung kanino ang mga bungo at butong narekober.
Pinangasiwaan ni Rev. Fr. Artemio “Tem” Fabros ng San Jose de Manggagawa de Manuguit Parish ang blessing sa mass grave.