2,000 pamantasan, posibleng hindi makapaghanda nang husto sa flexible learning – CHED

Nababahala ang Commission on Higher Education (CHED) sa lebel ng paghahanda ng halos 2,000 maliliit na unibersidad sa bansa para sa flexible learning.

Ayon kay CHED Chairperson Prospero De Vera III, bumuo sila ng programa katuwang ang mga malalaking unibersidad para isailalim sa training ang faculty members ng mga maliliit na unibersidad para sa flexible learning.

Pangamba ni De Vera, may ilang unibersidad sa mga malalayong lugar ang posibleng hindi makapaghanda para rito.


Aniya, walang internal capacity ang mga maliliit na pamantasan na magsagawa ng training program o kulang ang kanilang resources sa paghahanda sa muling pagbubukas ng klase sa Agosto.

Dahil dito, inilunsad ng CHED ang HiEd Bayanihan, kung saan ang mga unibersidad na nakapaghanda sa flexible learning ay maaaring tulungan ang iba pang unibersidad sa pamamagitan ng training programs para sa faculty members.

Ang mga training providers ay kinabibilangan ng Philippine Normal University, De La Salle College of Saint Benilde, Central Luzon State University, Enverga Univeristy, Far Eastern University at Tarlac Agricultural University.

Facebook Comments