Posibleng makapagtala ang Pilipinas ng 20,000 bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Ayon sa OCTA Research Team, ito ay dahil hindi pa bumababa ang reproduction rate ng COVID-19 sa ilang mga lugar sa labas sa Metro Manila.
Paliwanag ni Prof. Guido David, bagama’t bumabagal ang hawaan ay patuloy pa ring tumaas ang bilang ng tinatamaan ng sakit sa mga lugar sa labas ng National Capital Region (NCR).
Sa ngayon, nasa 1.45 pa ang reproduction number sa buong bansa, na dapat ay mas mababa pa sa 1.
Bumaba naman sa 1.67 ang reproduction rate sa NCR mula sa 1.9 noong nakaraang linggo.
Ayon kay Guido, posibleng sa una o ikalawang linggo pa ng Setyembre makita ang epekto ng two-week enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Pinayuhan naman ng health expert ang pamahalaan na higpitan ang pagpapatupad ng granular lockdown, international border controls, contact tracing, testing at pagbabakuna.
Kahapon, nasa 16,649 na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa, ang pangalawang pinakamataas na daily tally mula nang mag-umpisa ang pandemya.