20,000 housing units mula sa gobyerno, mapapakinabangan ng mga residente ng Camarines Sur

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang dalawang ground breaking ceremonies para sa konstruksyon ng mahigit 20,000 na mga housing units para sa mga residente ng Camarines Sur kaninang umaga sa Panganiban Drive sa Naga City.

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ng gobyerno.

Sa talumpati ng pangulo sa seremonya, kanyang sinabi na ito ay proyekto ng kanyang administrasyon para mabigyan ng komportable, maayos at disenteng buhay ang mga Pilipino.


Ayon pa sa presidente ang pagkakaroon ng sariling bahay ay pangarap ng lahat ng Pilipino na gustong magkaroon ng isang lugar kung saan sila makakapagsimula ng bagong kabanata ng kanilang buhay.

Ang pabahay na ito sa Camarines Sur ay ang unang housing project sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ng gobyerno sa pangangasiwa Department of Human Settlements and Urban Development.

Batay sa plano, limang residential towers na may 11,880 na housing units ang itatayo sa anim na ektaryang lupain sa Panganiban Drive sa Naga City, sa palibot nito ay pagtatayuan ng apat na commercial buildings.

Una nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr., na target ng kaniyang administrasyon na magtayo ng isang milyong mga pabahay kada taon o anim na milyong bahay sa loob ng kanyang termino para mapunan ang kakulungan ng disenteng pabahay sa bawat Pilipino.

Facebook Comments