20,000 na miyembro ng PISTON-NCR, inaasahang lalahok sa tigil-pasada kontra korapsyon

Inaasahang madagdagan pa ang target ng Piston na 20,000 na lalahok sa tigil-pasada kontra korapsyon dito sa Metro Manila ngayong araw.

Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, hindi lamang kasi mga jeepney drivers ang lalahok ngayong araw sa tigil pasada.

Aniya, kasama rin sa tigil-pasada ang mga tricycle driver, mga riders at Transportation Network Vehicle Services (TNVS) na apektado ang trabaho tuwing umuulan at may pagbaha dahil sa mga palpak na flood control projects.

Sinabi ni Floranda na nasasayang din ang kanilang buwis dahil ibinibulsa lamang ito ng mga opisyal at contractor ng pamahalaan.

Aniya, nasa ₱12,000 din ang binabayarang buwis ng mga tsuper kada buwan na nagagamit lamang pala sa maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.

Ngayong araw, asahang dadalo rin sa kanilang kilos-protesta ang nasa 200,000 PISTON members sa buong bansa.

Samantala, nagpahayag din si Floranda ng suporta sa isasagawang malaking kilos-protesta sa Luneta sa Maynila sa Setyembre 21.

Facebook Comments