201 kadete na miyembro ng Sansiklab Class of 2019, magsisipagtapos na ngayong araw

Nakatakdang magsipagtapos ngayong araw ang may 201 mga kadete ng Philippine National Police Academy o PNPA.

Sila ang bumubuo sa Sansiklab Class of 2019 na ang kahulugan ay “Sandigan ng Mamamayan na may Sigasig na Itaguyod ang Kapayapaan at Ipaglaban ang Bayan.”

Pangungunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang graduation rites sa Kampo Heneral Mariano Castañeda, Silang, Cavite na may tema: “Bagong henerasyong tagapagtanggol: adhikain ay kapayapaan ng bayan tungo sa isang maunlad na pamayanan.”


Nanguna sa klase bilang valedictorian ay si Cdt. Jervin Allen Ramos na gagawaran ni Pangulong Duterte ng Presidential Kampilan Award habang sinundan naman ito ng class salutatorian na si Cdt. Merrifien Carisusa.

Maliban dito, bibigyan din ng parangal ang walo pang natatanging kadete na sina: Cdt. Mary Grace Pabilario, Cdt Ferdinand Mark Lagchana, Cdt. Christian Albus, Cdt. Janila Andrea Garan, Cdt. Ciara Ley Capule, Cdt. Mary Ann De Los Santos, Cdt. Anna May Mangabo at Cdt. Salvador Pidlaoan.

Mula sa dalawandaan at isang magsisipagtapos sa PNPA, isandaan at tatlumpu’t walo rito ang mapupunta sa Philippine National Police (PNP); apatnapu’t isa ang magiging bahagi ng Bureau of Fire Protection (BFP) habang ang dalawampu’t dalawa naman ay magiging bahagi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Pinakamarami sa mga nagsipagtapos ay mula sa CAR o Cordillera Administrative Region sinundan ng National Capital Region (NCR) at pangatlo ay mula sa Region 2.

Facebook Comments