
Binigyang-diin ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez na hindi lang isang kasunduan sa diplomasiya ang 2016 Arbitral Award hinggil sa South China Sea.
Ayon kay Romualdez, patunay rin ito ng tibay ng loob ng mga Pilipino at ng karapatan ng Pilipinas sa sariling karagatan.
Mensahe ito ni Romualdez sa ika-9 na anibersaryo ng makasaysayang desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong Hulyo 12, 2016 na nagbasura sa nine-dash line claim ng China at kinatigan ang karapatan ng Pilipinas ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Bunsod nito ay nananawagan si Romualdez sa sambayanang Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa pambansang soberanya at manatiling tapat sa pagiging Pilipino — sa salita, sa gawa, at sa tungkulin.
Hinimok din ni Romualdez ang lahat ng Pilipino na panatilihing buhay ang diwa ng Arbitral Award sa pamamagitan ng paninindigan sa prinsipyo at katapatan sa adhikain ng bansa.









