Suportado ng Japan ang 2016 Arbitral Ruling na kumilala sa Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ang pahayag ng Japan ay ginawa sa ginanap na Inaugural Japan-Philippines Foreign and Defense Ministerial Meeting (“2+2”) sa Tokyo, Japan sa pagitan nina Foreign Affairs Teodoro L. Locsin Jr., at Defense Secretary Delfin Lorenzana at Japanese Foreign Affairs Minister Hayashi Yoshimasa, Japanese Minister of Defense Kishi Nobuo.
Sa pagpupulong, sumang-ayon ang Japan sa posisyon ng Pilipinas laban sa iligal na pag-aangkin, militarisasyon, pananakot, pagbabanta at paggamit ng dahas sa West Philippine Sea o South China Sea.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang mga ministro sa anumang aksyon sa nasabing karagatan na maaring magdulot ng tensyon.
Kasabay nito, nanindigan ang mga ministro sa freedom of navigation and overflight sa pinag-agawang karagatan, at pag-resolba sa mga maritime claims sa pamamagitan ng “rules-based approach” na nakabatay sa international law, partikular sa United Nations Convention on Law of the Sea (UNCLOS).
Nanawagan naman ang mga ministro sa maagang pagpasa ng “Code of Conduct in the South China Sea” na nakabase sa UNCLOS, at hindi lalabag sa mga lehitimong karapatan ng mga bansang may interes sa WPS.