Nakapulong ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana si General Wei Fenghe, ang Minister of National Defense ng China.
Binanggit ni Lorenzana sa kanilang pulong ang award na iginawa ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas noong 2016 na nagpapatibay sa mga claims nito sa West Philippines Sea (WPS).
Tinalakay ng dalawang opisyal ang isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea at nagkasundong dapat panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Bukod dito, napag-usapan din ang ilang isyu na nakakaapekto sa defense organizations ng dalawang bansa.
Sinabi ni Lorenzana na patuloy ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsasagawa ng routine at legitimate maritime patrols sa WPS at hahamunin ang anumang aktibidad na nanghihimasok sa soberenya at hurisdiksyon ng bansa.
Sang-ayon din ang dalawang opisyal na mahalagang patuloy ang dayalogo at konsultasyon ng dalawang bansa sa pagresolba ng mga gusot.
Pabor din sina Lorenzana at Wei sa pagrebisa sa 2004 Philippines-China Memorandum of Understanding on Defense Cooperation para sa pagkakaroon ng maayos na communications channel sa pagitan ng AFP at People’s Liberation Army (PLA) ng China.
Pinasalamatan ni Lorenzana si Wei sa patuloy na pagtulong ng China sa Humanitarian and Disaster Response (HADR) capability build-up efforts.
Sinabi naman ni General Wei na handa ang China na ibahagi ang karanasan nito sa paglaban sa COVID-19 at umaasang malalagpasan ng Pilipinas ang pandemya sa lalong madaling panahon.