Manila, Philippines – Kumbinsido si Senate President Tito Sotto III sa alegasyon na bahagi ng naging dayaan noong 2016 Presidential Elections ang bentahan ng database o impormasyon ukol sa mga botante.
May impormasyon pa si Sotto, na naibenta ang voter database sa Nueva Ecija at Iloilo.
Sa pamamagitan ng database, ay naipalilipat ng kandidato sa ibang presinto ang pangalan ng botanteng hindi taga-suporta upang hindi makaboto.
Pahayag ito ni Sotto makaraang sabihin sa pagdinig ng joint congressional oversight committee on automated election system ni Atty. Glenn Chong na may dating election officer sa Maragondon, Cavite na nagbenta ng election data.
Samantala, tiniyak din ni Sotto na ipapa-subpoena ang election audit logs na hindi maisumite ng Commission on Elections (COMELEC) dahil kailangan pa ng pahintulot ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na dumidinig sa mga election protests nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Bongbong Marcos.