Manila, Philippines – Inakusahan ng kampo ni Vice President Leni Robredo na pinatatagal lamang ni dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos ang pag-usad ng election protest na nakahain sa Presidential Electoral Tribunal (PET) laban sa bise presidente.
Ayon sa lead counsel ni VP Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, layon lamang ng inihaing mosyon ng batang Marcos na magbitiw si Associate Justice Benjamin Caguiao na mabalam ang proseso upang umakma ito sa kanyang political agenda.
Ginawa aniya ni Marcos ang mosyon kasunod nang inihaing paliwanag ng Commission on Election (COMELEC) sa PET na nagsasaad na ang ginamit na batayan sa 2016 National and Local Elections ay ang 25-percent threshold shading, taliwas sa iginigiit ng kampo ni Marcos.
Una rito ay nanindigan ang dating senador na dapat mag-inihibit si Justice Caguiao sa paghawak sa kanyang election protest dahil sa pagiging bias at lantarang pagpabor sa kampo ni Robredo, ang pagiging supporter ng kanyang maybahay na si Gel sa kandidatura sa 2016 Elections ni VP Leni at ang pagtuligsa sa pamilya Marcos.