2018, Magiging Madugo sa Cagayan at Cordillera!

Upi, Gamu, Isabela – Magiging madugo umano ang taong 2018 kung magmamatigas pa rin ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa kabila ng kaliwat kanang paanyaya ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sumuko na lang ang mga ito sa gobyerno at makinabang sa mga programa at proyekto ng pamahalaan.

Ito ang mariing pahayag ng bagong pinuno ng 5th Infantry Division ng Philippine Army na si Brig. Gen. Perfecto Rimando Jr.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team, ibinahagi ng opisyal na kanilang dodoblehin ang kanilang opensiba para ubusin kung kinakailangan ang anumang elemento na naghahasik ng kaguluhan at lumalaban sa pamahalaan.


Ayon sa opisyal, mas mainam na yakapin na lamang ng rebeldeng grupo ang mga inilalatag na mga programa ng pamahalaan para sa mga ito upang tuluyang mawakasan ang problema ng insurhensya sa Pilipinas.

Kanyang binalaan din ang mga miyembro ng NPA na itigil na ang ginagawang paninira sa mga proyekto at government properties na kadalasang nangyayari sa mga liblib na lugar, dahil hinahadlangan din nito ang pag-angat ng kabuhayan ng bawat Pilipino.

Magugunitang dahil sa paglabag ng New People’s Army sa usapang pangkapayapaan, na ikinasawi ng ilang sibilyan kasama ang isang bata, idineklara ni Pangulong Duterte ang NPA bilang isang teroristang grupo.

Facebook Comments