2019 BUDGET | Mga taga-oposisyon, mabibigyan din ng P60 million

Manila, Philippines – Nilinaw ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na nabigyan din ng P60 Million na pondo para sa mga proyekto sa ilalim ng 2019 budget ang mga kongresista mula sa oposisyon.

Paglilinaw ni Andaya, hindi lamang mga kaalyado sa congressional districts ang napaglaanan ng pondo kundi pati minorya, oposisyon, party-list at independent.

Aniya, pantay-pantay ang matatanggap na alokasyon ng lahat ng mga kongresista anuman ang political beliefs ng mga ito.


Sa katunayan pa dito ay kasama rin sa pinaglaanan ng P60 Million ang mga progressive lawmakers gaya ng Bayan Muna, ACT Teachers, Anakpawis at Kabataan.

Pero, itinanggi naman ito ng grupo at sinabing hindi sila humingi o nabigyan ng pondo na P60 Million.

Sinabi naman ni Andaya na hindi sila pipilitin at kung ayaw ay ibabalik na lang sa Treasury ang pondo.

Samantala, hiniling naman ng mambabatas na bigyang linaw ang depinisyon ng pork barrel dahil ang nasabing P60 Million ay itinuturing ng mga kritiko na iligal na pondo gayong ito ay hinati-hati na pondo para sa dagdag na alokasyon sa mga ospital, school buildings at paghahanda ng Comelec sa halalan.

Una nang itinanggi ni Andaya na pork barrel ang P60 million at walang kapangyarihan ang mga mambabatas na makialam sa distribusyon ng pondo.

Facebook Comments