2019 ELECTIONS | Secretary Francis Tolentino, may pagdadaanan pang proseso bago makapag-sumite ng COC sa COMELEC

Manila, Philippines – Inihayag Political Affairs Secretary Francis Tolentino na desedido na siyang sumabak muli sa halalan at tumakbong muli sa pagka Senador sa 2019 midterm elections.

Ito ang sinabi ni Tolentino nang kausapin nito ang mga miyembro ng Malacañang press corps kagabi dito sa Malacanang.

Ayon kay Tolentino, nakapagusap na sila ni Pangulong Duterte ukol sa usapin at nagkasundo aniya sila sa kanyang pagtakbo.


Pero dahil sa protesta nito laban kay Senator Leila de Lima kaugnay sa 2016 elections ay hindi magiging simple ang pagpadile ni Tolentino ng Certificate of Candidacy sa Commission on Election.

Sinabi ni Tolentino, kailangan niyang magpunta sa Senate Electoral Tribunal para ipaalam ang kanyang intensyon na tumakbo sa halalan at i-withdraw ang kanyang electoral protest at saka ito pupunta sa COMELEC para magsumite ng COC.

Binigyang diin ni Tolentino na hindi niya hahayaan na makuha na lamang ni de Lima ang puwestong dapat ay sa kanya at hindi niya hahayaan na masabi ni de Lima na iniwan lang niya ang kaso.

Sinabi ni Tolentino na posibleng ngayong araw o anomang araw bago ang deadline ng pagsusumite ng COC sa October 17.

Facebook Comments