Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate President Koko Pimentel na ipaglalaban niya ang mga re-eleksyunistang senador para mapasama sa senatorial line-up ng PDP Laban para sa 2019 elections.
Ang pahayag ni Pimentel, ay makaraang maglabas ng sama ng loob si Senator JV Ejercito dahil tila hindi sila ikinokonsidera na mapasama sa senatorial ticket ng PDP Laban sa kabila ng buong suporta nila sa administrasyong Duterte.
Ayon kay Pimentel, hindi lang alam ng mga re-eleksyunista sa mayora ng Senado na ipinaglalaban niya ang mga ito.
Paliwanag ni Pimentel, na siyang ring Pangulo ng PDP Laban, hindi pa buo ang line up na inilabas ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Diin pa ni Pimentel, kokunsultahin nila si Pangulong Rodrido Duterte sa pagsasapinal ng mga magiging pambato ng PDP Laban sa pagkasenador.
Maliban kay Ejercito ay kabilang din sa mga reeleksyunista sa panig ng mayorya sina Senators Sonny Angara, Cynthia Villar, Nancy Binay, at Grace Poe.
Sabi ni Pimentel, nais din niyang mapasa sa kanilang senatorial line up sina Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, dating MMDA Chair Francis Tolentino, Presidential Spokesperson Harry Roque at sina Congressmen Karlo Nograles, Zajid “Dong” Mangudadatu, Geraldine Roman, Reynaldo Umali at Pia Cayetano.