Plano ng Kongreso na palawigin pa hanggang sa susunod na taon ang bisa ng dalawang spending bills na 2020 National Budget at ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2)
Ayon kay Senate Committee On Finance Chairman Senator Sonny Angara, planong i-extend hanggang Hunyo o Disyembre sa 2021 ang 2020 national budget, habang ang Bayanihan 2 ay hanggang Marso o sa kalagitnaan ng 2021.
Ito ay para maipagpatuloy hanggang sa susunod na taon ang mga naantalang COVID-19 response projects.
Paliwanag pa ni Angara, ang P8 bilyong pondo na nakalaan para sa COVID-19 vaccine na nakapaloob sa Bayanihan 2 ay ibabalik lamang sa National Treasury sakaling hindi ma-extend ang nasabing batas.
Sakaling mawala na ang bisa nito, kinakailangang gumawa muli ang Kongreso ng panibagong batas para maaprubahan ito ng Ehekutibo.
Samantala, umapela naman si Senator Francis Pangilinan sa plano ng Kongreso at pinuna ang pagpapaliban sa paglabas ng pondo.
Giit ni Pangilinan, tanging ang paglabas lamang ng pondo mula sa Bayanihan 2 ang solusyon sa problema para maituloy ang mga naantalang proyekto sa paglaban ng bansa sa COVID-19.