Ayon kay Senate President Tito Sotto III, posibleng hindi mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Disyembre ang naipasang 2020 national budget na nagkakahalaga ng 4.1-trillion pesos.
Paliwanag ni Sotto, holiday at bakasyon na kaya maaring hindi agad matapos ang mahabang proseso ng printing ng naipasang 2020 general appropriations act.
Sabi ni Sotto, hindi man ngayong December ay posibleng January 6 na matapos ang printing nito at maisumite sa tanggapan ng Pangulo.
Samantala, isinumite na ni Senator Panfilo Ping Lacson sa Department of Budget and Management at kay Executive Secretary Salvador Medialdea ang mga kwestyunableng items na maituturing na pork barrel sa 2020 national budget.
Diin ni Lacson, nasa kamay na ni Pangulong Duterte ang susunod na hakbang kung aaprubahan o ibi-veto ang umano ay mga last minute insertions sa national budget na nagkakahalaga ng 83-billion pesos.