Susubukan ng Kamara na mapalagdaan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Disyembre ang P4.1 Trillion national budget.
Sa draft budget calendar, inaasahang maisusumite ng Malakanyang ang National Expenditure Program (NEP) sa Kamara hanggang sa Agosto 15 at inaasahang sa Agosto 22 ay masisimulan na ang budget committee deliberations na tatagal hanggang Setyembre 9.
Bago naman mag-session break sa Oktubre 5 ay balak na pagtibayin sa 3rd at final reading ang 2020 General Appropriations Bill (GAB).
Mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 8 itinakda ang bicameral conference commitee meetings at Disyembre 19 naman ito target maratipikahan.
Sa Disyembre 20 o bago magpasko ay mapapa-pirmahan na kay Pangulong Duterte ang pambansang pondo.
Nauna nang sinabi ni Speaker Alan Peter Cayetano na gagawing sabay-sabay na ang mga hearing at kahit Huwebes at Biyernes ay magtatrabaho sila upang mapabilis ang proseso sa pagapruba ng national budget.